17/06/2025
PAGKAKABIT NG CCTV AT ALARM SYSTEM, MANDATORY NA SA LAHAT NG FINANCIAL INSTITUTIONS AT IBA PANG ESTABLISYEMENTO SA TUGUEGARAO CITY
Nilagdaan ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que ang ordinansang nag-uutos sa lahat ng bangko at financial institutions sa lungsod na maglagay ng Alarm System at Closed-Circuit Television (CCTV).
Sa ilalim ng Ordinance No. 21-09-2026, inamyendahan nito ang City Ordinance No. 06-2009 kung saan ginawang mandatory ang pagkakabit ng CCTV at Alarm System para sa seguridad ng mga ito.
Layunin ng hakbang na ito na paigtingin pa ang seguridad sa lungsod gayon din ang pagtala at pagresolba sa mga krimen na posibleng mangyari sa lungsod gamit ang CCTV.
Samantala, nakasaad din sa nasabing ordinansa na ang sinumang lalabag sa kautusang ito ay papatawan ng kaukulang parusa.
Sakop ng nilagdaang kautusan ang mga Financial Institutions sa lungsod na kinabibilangan ng mga bangko, pawnshops, money lenders, money remittance services, money changers, at iba pang establisyementong may kaparehong transaksyon.
Maliban sa Financial Institutions, napabilang din sa sakop ng ordinansa ang fast food restaurants, convenience stores, grocery stores, drug stores, shopping malls, shopping centers, supermarkets, wet markets, hospitals, laboratories, clinics, at iba pang medical facilities maging ang mga theaters, movie houses, perya, arcades, internet cafes, resorts, airport, public transportation terminals, parking lots, car dealership, gasoline, fuel stations, vehicle maintenance, at mga service station. (Kane Manaoat)