02/12/2023
𝐎𝐏𝐄𝐍 𝐌𝐄𝐒𝐒𝐒𝐀𝐆𝐄 𝐒𝐀 𝐋𝐀𝐇𝐀𝐓, 𝐏𝐀𝐓𝐔𝐍𝐆𝐊𝐎𝐋 𝐒𝐀 𝐌𝐆𝐀 𝐑𝐄𝐒𝐂𝐔𝐄 / 𝐀𝐍𝐈𝐌𝐀𝐋 𝐖𝐄𝐋𝐅𝐀𝐑𝐄 𝐆𝐑𝐎𝐔𝐏𝐒
𝟏. 𝐇𝐈𝐍𝐃𝐈 𝐒𝐈𝐋𝐀 𝐎𝐁𝐋𝐈𝐆𝐀𝐃𝐎 𝐍𝐀 𝐌𝐀𝐆 𝐑𝐄𝐒𝐂𝐔𝐄
Tama po ang nabasa ninyo, HINDI NILA OBLIGASYON NA MAGRESCUE ng mga hayop pero ginagawa nila ito dala nang awa, habag at kusang loob. Walang sino man sa atin ang may karapatan na magalit o obligahin sila na mag-rescue kung may nakita tayong hayop na nangangailangan nang tulong — HINDI NILA ITO OBLIGASYON SA ATIN o kung kanino pa man.
𝟐. 𝐃𝐎𝐍𝐀𝐒𝐘𝐎𝐍 =/= 𝐊𝐀𝐑𝐀𝐏𝐀𝐓𝐀𝐍 𝐍𝐀 𝐌𝐀𝐆 𝐔𝐓𝐎𝐒
Ang donasyon, maging pinansiyal o mga gamit/pagkain ay wala dapat kapalit. Sa laki ng mga gastusin sa shelters ay hindi sasapat ang minsanang donasyon, subalit makatutulong ito.
Gayunpaman, kung sa pagbibigay mo ng donasyon ay umaasa ka na magkakaroon ka na ng karapatan na mag utos sa kanila ng dapat gawin — mas mabuti na ‘wag nalang po tayong magbigay.
𝟑. 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐒𝐀𝐇𝐎𝐃 𝐎 𝐊𝐈𝐓𝐀 𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐆𝐀 𝐒𝐇𝐄𝐋𝐓𝐄𝐑𝐒
Karamihan sa mga animal shelters at private rescuers ay pinipilit lamang talagang pagkasyahin ang pondo (kung meron man) na meron sila, pero lagi pong kulang ito dahil tumatanda ang mga rescues at nagkakasakit na nangangahulugan ng mas malaking gastos.
Higit pa riyan, hindi naman nangangahulugan na sa bawat hayop na madaragdag sa shelter ay nadaragdagan ang tumutulong.
𝟒. 𝐊𝐔𝐍𝐆 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐆𝐀𝐍𝐃𝐀𝐍𝐆 𝐒𝐀𝐒𝐀𝐁𝐈𝐇𝐈𝐍, 𝐌𝐀𝐍𝐀𝐇𝐈𝐌𝐈𝐊 𝐍𝐀 𝐋𝐀𝐌𝐀𝐍𝐆
“𝙋𝙪𝙧𝙤 𝙧𝙚𝙨𝙘𝙪𝙚, 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙣𝙖𝙢𝙖𝙣 𝙥𝙖𝙡𝙖 𝙠𝙖𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙜𝙖𝙨𝙩𝙪𝙨𝙖𝙣?!”
Ito ay dahil kahit hindi man nila sabihin, ang mga rescuers ay umaasa sila na may tutulong sa kanila sa pagbuo muli sa buhay ng isang hayop na walang-wala na, pinabayaan at inabuso. Mas madali silang matutulungan kung sila ay nasa shelters.
“𝘼𝙣𝙙𝙖𝙢𝙞𝙣𝙜 𝙞𝙣𝙖𝙖𝙡𝙖𝙜𝙖𝙖𝙣, 𝙥𝙪𝙧𝙤 𝙨𝙖 𝙙𝙤𝙣𝙖𝙩𝙞𝙤𝙣 𝙣𝙖𝙢𝙖𝙣 𝙪𝙢𝙖𝙖𝙨𝙖”
Sa totoo lang, hindi madaling manghingi, lalo’t higit sa lahat ang mag alaga ng mga rescues. Kung masakit sa mata ninyo na makita ang mga posts nila, maaari niyo silang i-unfollow — the kindest thing you can do.
Sa totoo, marami pong nagre-rescue kahit walang wala na talaga, kahit mangutang na, kasi iniisip nila na kahit ilang araw o saglit lang maparanas nila ung pagmamahal sa mga hayop at umaasa na baka may tumanggap sa mga ito na maging parte ng kanilang pamilya kung mapaayos nila ang kalagayan ng mga ito — pisikal at emosyonal.
𝟓. 𝐌𝐀𝐘 𝐊𝐀𝐑𝐀𝐏𝐀𝐓𝐀𝐍 𝐒𝐈𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐌𝐈𝐋𝐈 𝐍𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐆-𝐀𝐀𝐃𝐎𝐏𝐓
Isa na siguro sa pinaka kinakatakutan na mangyari ng isang rescuer ang mapunta muli sa maling tao ang hayop na kanilang inalagaan, iniligtas sa pang aabuso at muling tinuruan na magtiwala sa tao. May karapatan ang mga rescuers na mamili at magkaroon ng mahigpit na requirement sa adoption dahil hindi hayop kung hindi anak na pinalaki ang turing nila sa mga ito.
Hindi ito negotiable.
𝟔. 𝐋𝐀𝐇𝐀𝐓 𝐓𝐀𝐘𝐎 𝐀𝐘 𝐌𝐀𝐘 𝐌𝐀𝐆𝐀𝐆𝐀𝐖𝐀
Hindi po dahilan na walang space sa bahay, walang pera o anumang dahilan na pedeng maisip para hindi tumulong sa mga animal shelters at rescue groups.
Yung simpleng pag unawa, pag respeto, pag intindi at pagiging responsableng pet owner ay malaking tulong na.
Huwag po nating iasa lahat sa kanila, sana ngayong buwan nang pagbibigayan, maisip natin sila.
- Doc Gab