08/01/2026
Dear Caring furparent!!!
Huwag Gumamit ng Rapid Test Kits para sa Rabies
Pinapayuhan ng Bureau of Animal Industry (BAI), alinsunod sa World Organisation for Animal Health (WOAH), ang publiko na huwag tangkilikin ang mga hindi beripikado at hindi rehistradong โRapid Test Kitsโ para sa rabies. Sa ngayon, wala pang rabies test kits na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) sa Pilipinas. Ang mga test na ito, na gumagamit ng laway o dugo at nangangakong may resulta agad, ay hindi maaasahan at hindi ligtas gamitin para malaman kung may rabies ang isang hayop.
Nauunawaan ng BAI ang pagmamahal ng mga pet owner sa kanilang mga alaga at ang kagustuhan na makakuha agad ng sagot kapag may nangyaring kagat o kapag may napansing kakaibang sakit sa hayop. Pero pagdating sa rabies, isang sakit na halos palaging ikinakamamatay kapag may sintomas na, napakahalaga na tama at sigurado ang resulta.
Ayon sa mga pag-aaral, hindi palaging lumalabas ang rabies virus sa laway ng hayop. Dahil dito, ang rapid test kits ay maaaring magbigay ng maling negatibong resulta (โFalse Negative Resultsโ), na parang walang rabies ang hayop kahit mayroon talaga. Delikado ito dahil maaaring maantala ang agarang gamutan na kailangan para mailigtas ang taong nakagat.
Para sa kaligtasan ng lahat, ginagamit ng BAI ang pinaka-maaasahang (โGold Standardโ) paraan ng pagsusuri para sa rabies, ang Direct Fluorescent Antibody Test (DFAT), kasama ang dRIT at PCR. Sinusuri ng mga ito ang tisyu ng utak ng hayop at nagbibigay ng tiyak na resulta. Bagamaโt nangangailangan itong patay na ang hayop, ito lamang ang mga pamamaraang siguradong nakapagkukumpirma ng rabies.
Pinaaalalahanan din ng BAI ang publiko sa Republic Act No. 9482 o Anti-Rabies Act of 2007, na nagsasaad ng regular na bakuna kontra rabies, responsableng pag-aalaga ng mga hayop at agarang pagkonsulta sa lisensiyadong beterinaryo kapag may insidente ng kagat.
Ang pagpapatest sa rabies gamit ang tamang pamamaraan ay ginagawa ng libre sa BAI-Animal Disease Diagnosis and Reference Laboratory (ADDRL) at sa mga Regional Animal Disease Diagnosis Laboratory (RADDL). Para sa kaligtasan ng lahat, pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang City o Municipal Veterinarian (LGU) para sa tamang paghawak at pagpapadala ng sample. Tanging mga sinanay na tao lamang ang dapat kumuha ng specimen upang maiwasan ang aksidenteng pagkahawa.
Tumatanggap ang BAI-ADDRL ng mga wastong naendorso na sample 24 oras sa isang araw, 7 araw sa isang linggo.
Mariing pinaaalalahanan ng BAI ang lahat na huwag mag-diagnose sa bahay at huwag umasa sa rapid test kits o iba pang hindi beripikadong test. Para sa kaligtasan ng inyong pamilya at ng komunidad, laging kumunsulta sa isang lisensiyadong beterinaryo. # # #