30/05/2025
TOTOO NGA ANG SABI NILA NA WALANG IMPOSIBLE KAPAG MAY PAGKAKAISA AT PAGTUTULUNGAN.
Noon ay nag-umpisa lang sa isang 600 sqm na demo farm. Ngayon ay nagpapatulay at unti-unti ng nakapagpatayo ng mga pasilidad at nakakuha ng mga modernong kagamitan sa pagsasaka.
Ang 600 sqm na demo farm noon na matatagpuan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Compound, ngayon ay naging 6,500 sqm na na lupain kung saan patuloy na nagsasaka ang mga miyembro ng aming asosasyon na binubuo ng mga urban farmers sa lungsod ng Davao.
Ang lahat ng ito ay nagsimula noong 2023 sa pamamagitan ng tulong ng SM Foundation kung saan higit sa 20 na indibidwal ang napili na lumahok sa libreng pagsasanay sa ilalim ng Kabalikat sa Kabuhayan (KSK) program , isang programa kung saan kami ay naturuan ng mga modernong pamamaraan ng pagsasaka, entrepreneurial skills, marketing at iba pa. Pero higit sa lahat, natutunan namin ang importansya ng pakikipag-isa at pakikipag-ugnayan.
Matapos ang aming pagsasanay at pagtatapos sa programang KSK, kami ay nakatanggap ng farm kits mula SM Foundation at aming naisipan na ipagpatuloy ang aming nasimulan.
Sa tulong ng iba't-ibang ahensya, lalong-lalo ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare Development, kami ay nakatanggap ng halagang P240,000 na aming ginamit para ipondar ang mga una naming pasilidad kagaya ng greenhouse at nursery, para sa aming mga pananim na gulay kagaya ng lettuce.
Nagbunga ng mabuting pagkakaibigan ang aming pagsasanay sa programang KSK hanggang sa kami ay ganap ng naging asosasyon na ang tawag ay KSK DIA Organic Farmers SLP Association o KDOS. Ito ay pormal naming binuo noong taong 2023 kung saan naitalaga namin ang kauna-unahan naming mga opisyales.
Dahil dito, nagkaroon ng istruktura at sistema ang aming bagong organisasyon at tuluyan ng nakapag-open ng official na bank account kung saan namin pinupundo ang aming kinikita mula sa aming mga aning gulay.
Sa aming pagtutuloy, natutunan namin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikipagtulungan sa iba't-ibang ahensya kaya't ngayon kami ay nabigyan na ng Kalabaw na malaking tulong sa aming pag-aararo sa urban farm at meron na din kaming libreng access sa isang hauling truck at livestock truck sa tulong ng isang kooperatiba.
Matapos naming ipagdiwang ang aming kauna-unahang anibersaryo bilang asosasyon, ang bawat miyembro ay nakatanggap na din ng dividends. Patuloy kami sa pagtatanim at pag-aani ng gulay upang amin pang mapalakas ang aming kita.
Ngunit hindi dito magtatapos ang lahat sapagkat kami ay patuloy na nangangarap bilang isang buong asosasyon sa aming hangarin na itaguyod at mapaunlad ang urban farming upang makapagbigay ng abot-kayang pagkain sa aming komunidad.