24/06/2025
Wildlife Trafficking, Bistado sa Marikina
Isang pinagsanib na operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isinagawa noong Hunyo 23, 2025 sa Marikina City, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibidwal at pagkakasamsam ng 88 piraso ng buhay na wildlife birds. Isinagawa ang operasyon sa bisa ng isang Search Warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 193 ng Marikina City para sa paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Sa isinagawang operasyon, nadiskubre sa loob ng bahay ng suspek ang iba't ibang uri ng ibon gaya ng Green Cheek Conure at Love Birds, na inilagay sa 36 na kulungan. Sa kabila ng kahilingan ng mga operatiba, nabigong magpakita ng kaukulang permit ang may-ari, dahilan upang kumpiskahin ang mga ibon at isagawa ang agarang pag-aresto.
Ang operasyon ay isinagawa sa legal, maayos, at mapayapang pamamaraan, sa presensya ng mga kinatawan mula sa DENR at barangay, at naitala sa pamamagitan ng alternatibong recording devices. Tinatayang nasa halagang PhP77,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na wildlife species.
Dinala ang suspek sa HMG, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City para sa karagdagang imbestigasyon habang ang mga ibon ay inilipat sa Biodiversity Management Bureau ng DENR para sa wastong pangangalaga. Kasalukuyang inihahanda ng mga awtoridad ang kaukulang kaso na isasampa sa Office of the City Prosecutor ng Marikina.